Sketches
Unang araw ng ORIENT3 kanina (ang kaisa-isa kong klase). 830-430 tuwing sabado (ngayong enero lang). Pass or fail ang grading kaya hindi naman kailangang magpakapagod nang husto sa klaseng iyon. Parang recollection ang activities kanina. Siyempre, may mga ipinaguhit, may role play, at may meditation. Nagustuhan ko 'yung drawing activity kahit hindi ako marunong gumuhit. Image of god ang inatas nilang iguhit namin. Hindi pa man nagsisimula, naririnig ko na ang mga katabi ko: symbol na lang tapos mambola na tayo. Hehehe, ugali talaga. Ako, ang totoo, medyo sineryoso ko. Matagal na kasi akong hindi nakakapag-retreat. Semi-retreat na rin iyon, di ba? Pag-atras ng ilang saglit. Well, dahil hindi na ako nagsisimba at hindi na naiintindi ang pagiging kristiyano ko, nag-isip na lang ako ng isang o ilang sandali na pakiramdam ko "in-tune" ako sa mundo. (thesis! thesis!)
Naalala ko 'yung isa sa mga sandali na mag-isa akong nagpapalipas ng oras sa sunken. Kinuhanan ko ng retrato ang mga bagay na pinapansin ko--'yung ulap, 'yung ilaw na tumatagos sa canopy ng acacia, at 'yung mga poste ng ilaw. Ilalagay ko sana ang mga kuha dito sa blog noong isang buwan. Kaya lang, binura ng kapatid ko. Lagi silang ganoon. Binubura ang mga kuha ko. Sasabihing ulap/ilaw lang naman o mas malala pa, wala lang naman iyon. Wala. Kaya nawala na.
Sayang. Natuwa talaga ako noon sa pagkuha sa mga ilaw (araw) na dumidilim at nagbibigay daan sa pagliwanag ng ilan (poste ng ilaw). Masdan ang pagdilim--na isang paraan rin para sabihing masdan ang pagliwanag. O ang pinaliliwanag ng pagdilim (which reminds me, may kailangan pa akong gawin).
Kanina, iginuhit ko ang poste ng ilaw sa pinakagilid ng bond paper. Sa baba, puro damo. Iyung damo lang ang kinulayan ko. Sa sharing, inunahan na nila ako. Poste ng ilaw. "Hindi, background lang iyan. Iyung damo talaga 'yung god-image dito." Natawa na nga lang ako. Pinigil ko pa ang tawa, bale nangiti na lang. Ewan ko ba, pero mukhang ganoon talaga ako. Iyung halos hindi papansinin ang pinahahalagahan. Iyung halos dadaanan lang. Kahit pag nagsusulat, iyung halos hindi ko sinabi o dinaanan lang nang bahagya ang higit kong nais sabihin.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home