Wednesday, July 14, 2004

Abala

Nahihiya akong mang-abala. Kanina lang, hinintay kong matapos kausapin ng mga kaklase ko si sir, saka ko pa lang nilapitan para magtanong. Hindi ko rin maintindihan itong hiya. Nagkalat naman sila diyan, biglang sisingit, mang-aagaw ng oras, magsasayang ng oras ng iba na tila hindi naman nakokonsensiya. Katulad noong pinabili ako ng gamot sa mercury, ang tagal kong nakapila. At sa malayo, marahil mukhang pinasisingit ko lahat ng mga nais sumingit. Ang nangyayari, parang ako pa ang nahihiya para sa kanila. Kaya pansamantalang tumatabi ako at nagbibigay daan. Bakit ganoon sila kagarapal?

Siguro, ayoko rin naman kasi nang inaabala. Pero depende. Minsan, gusto kong abalahin ako. Wala lang. Para makatakas sa sarili kong pagka-abala. Noong minsan, gusto kong mang-abala. Noon lang naman. Maraming beses na nangyari ang "noon" na iyon. May tinitipa sa harap ng computer, ang sarap lumikod. Ano't nasa harap ka kung may iba rin namang kinakaharap? Ayokong makigaya sa pagkaabalang iyon. Na maghahanap pilit ng pagkakaabalahan (kahit ganito naman talaga ang ginawa ko noon). Ang sarap lumikod at tingnan kung ano iyon na nakikiagaw sa minsan. O bigla, yakapin na lang. Hindi titingin sa monitor. At aalis rin bigla para hindi na makaabala. Parang minsan sa bahay, habang gumagawa ng homework ang kapatid ko, at dahil hindi ko naman sasabihing gusto ko siyang makausap, pupuslitin ko, dahan-dahan ang mga crayons niya. Isa-isa lang. Hanggang sa halos wala nang matira sa box. At kahit hindi rin naman kami magkakapag-usap, alam kong lilingunin niya ako para hanapin ang mga nawawalang pangkulay.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home