-100
Ngayon lang nangyari na may ginusto ako nang ganito. Ganito pala. Tama si tabby, naiintindihan ko na siya. Ganitong-ganito rin siya sa x-files. At natatawa na lang ako ngayon kapag naaalala na tinutulugan ko siya sa IVR ng library (habang nanonood ng x-files).
Anong gagawin ko ngayon? Noong nakaraang linggo, tinanong ako ni Allan kung may gustung-gusto akong writer, iyung tipong hahanapin ko lahat ng libro niya. Isang masidhing gusto na nauuwi sa pangangailangan. Wala naman sa akin iyon noong tinanong niya. Lahat halos nang nabasa ko at gusto kong basahin, kaya ko namang isantabi. Tapos ngayon, heto. Sinong mag-aakalang ilang araw lang matapos ang tanong na iyon, mayroon na akong dagling maisasagot?
Marami akong isinasantabi para hindi lang maisantabi iyon. Ano bang mayroon sa kaniya? "...lift your small head--I believe in you...I believe forever in the hooks." I'm hooked on this, helpless hooked. Ang imaheng nakikita ko dito, parang isdang nabingwit; nahuli sa sariling bibig. Paano, ang sarap bigkasin ng mga salita/tula niya. At naaalala ko ngayon ang tulang Matin ni ayer. Ganito siguro pumusag. Pakiramdam ko, parang hindi ako ligtas. May ilang bahagi ng ako na nanganganib sa pagharap sa hindi ko mawari--paanong nabihag nila ako? Nakamamatay rin marahil--para akong tinanggal sa tubig.
Nag-umpisa ito noong linggo. Binasa ko ang selected poems niya. Noong una, hindi ko binabasa ang mga tulang hindi kabilang sa una niyang koleksiyon. Sabi ko kasi, dalawang linggo kada libro. Kaya lang, dala na rin siguro na masyado akong malungkot noon, hindi ko namalayang tuloy-tuloy ang pagbabasa ko hanggang umabot ako sa mga tulang kabilang sa pangatlo niyang libro.
Kinabukasan, naghihimutok ako kay tabby na 10 tula lang sa bawat libro niya (iyung kabilang lang sa selected poems) ang mababasa ko. Sa isang libro, sabihin na nating may 30 o higit pang tula. Anu't ano man, may 20 tula na hindi ko mababasa. At dahil limang libro iyon, mahigit sa 100 tula ang hindi ko makikilala. At tuwang-tuwa naman itong si kaibigan: now you know how it feels to be powerless over your wants.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home