Kung Anuman
Tatlong oras lang ako nakatulog pero paggising ko, parang nakapagpahinga ako nang mabuti. Pagkagising lang. Sa MRT, nakatulog rin ako. Sa klase, inantok ako. Ang daming mangyayari sa friday: role play sa rels, last quiz sa stat & jprizal, deadline ng reading journal, at kailangan nang ibigay sa readers ang thesis proposal.
Nitong mga nakaraang linggo, naging malapit ako sa iba mga kaklase sa lit. Natatawa na nga lang ako kapag maaalala ang post ko tungkol sa isang nagcomment ng masama sa House of the Flying Daggers. Minsan, isinulat niya ang pangalan ko sa board (in Korean). Tinitigan ko nang matagal. Mahirap na, baka hindi ko mamukhaan ang sariling pangalan (kung makikita ko ito muli) dahil iba ang hugis ng salita.
Ang totoo, bilib na nga ako sa kanila. Nagawa nila akong isama sa videoke minsan. Natuwa rin ako kahit paano (hinayaan nila akong magbasa habang hindi ako ang kakanta). At kahit na nililingon ako ni Reiann paminsan-minsan. Hindi nalalayo sa tingin ng bata sa isang commercial nang marinig ang "sayang ang miles." Pero natuwa ako noon. Na hinayaan lang nila ako (kahit na ba sabihing hindi nila ako 100% na kasama).
May mga cinematic moments pa. Minsan, (pauwi na kami nito galing sa halloween party) naglakad kami hanggang sakayan ng bus. At dahil 2am na noon, wala nang jeep sa daan. Habang tumatawid sa bridge, umaalingawngaw ang kanta ni Alicia Keys mula sa mga bahay sa ilalim ng tulay. Kumbakit kailangan nilang bagalan ang lakad at kung-ano-man-iyon-na-nagpatawa-sa-amin. Sabi ko, isusulat ko rin iyon minsan. Kanina, pasahan sa litaw at nagpabasa na rin ako ng gawa kay karl. Nagulat nga siya. May 2 kang tula na masaya. Hmm.. Anong ibig sabihin noon, bakit nakakagulat? Gusto ko something light, or lighter still. Tama na ang masyadong tensed. Hindi ko naman nadadala. :)
Hindi ko alam kung bakit ako masaya ngayon. Nakita ko sila j.o. kanina. At sinabi kong okay na sa akin 'yung thesis ko. Hindi na ako gaanong natatakot/nahihiya. Natuwa naman siya sa pagbabago. Noong isang buwan lang, halos palitan ko na sa theoretical ang thesis ko. Natatawa na rin ako kapag maaalala iyon. Muntikan na nga akong magtext sa maraming tao kaninang umaga. Hindi ko alam kung kamalasan, o kung-ano-man, at wala na pala akong load. Hindi ko naipadala ang mga text. Kunsabagay, kung hindi sasagot ang mga pinadalhan, mabilis ring mawawala ang masayang gising ko.
Ano bang meron sa araw na ito? Kanina, tinext ko ang isang kaibigan at mukhang hindi niya makakalimutan ang araw na ito. Masaya ako para sa kaniya. Napag-usapan na rin namin iyon minsan. Sabi niya, kung sakali, isisikreto lang. At buti pala, tinext ko siya. Pakiramdam ko, naging bahagi rin ako ng sikretong iyon. Siya lang ang nakausap ko tungkol doon. Halos wala akong masabi noon. Hindi ko pa naman kasi iniisip iyon. Pero kung sakali, sana matupad ko rin, kung anumang sasabihin ko.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home