paggalaw (at hindi tungkol sa espasyo)
i.
Matagal ko na napanood ang Ran. Isang taon na mula ngayon. Kahapon, dala na rin siguro na nanood ako ng House of the Flying Daggers, naalala ko bigla ang Ran. Sa bramasole, may isinulat na ako tungkol rito. Ang nakakatawa, ngayong naaalala ko ang pelikula, hindi naman iyung eksena ng 3 arrows ang unang imahen ng pelikula na bumalik sa akin. Naaalala ko noong laging nilililiman ng bunsong anak ang tatay niya. Lagi kasing nakakatulog kung saan-saan (kahit habang nagsasalita). Hindi nila siya iistorbuhin. Bagkus, iiwan siyang natutulog. Ang bunso, bago niya siya iwan, kumukuha muna ng maliit na halaman (binubunot sa lupa) at itinitirik kung saan natulog ang ama. Parang pinapayungan.
Maliban doon, naalala ko rin ang huling eksena. Ipinapapatay kasi ang isang babae doon (ang unang asawa). Nang matunugang may mga paparating sa bahay nila upang pugutan siya ng ulo (hiniling ng pangalawang asawa na makuha ang pugot na ulo niya), tumakas siya kasama ang isang bulag (nalimutan ko na, pero mukhang magkapatid sila). Nang makalayo na, naalala ng bulag na naiwan niya ang flute (ata iyon) niya. Binalikan agad ito ng babae. Kahit matindi ang pakiusap ng bulag na huwag na siyang iwan. Huwag nang balikan ang naiwan sa panganib. Kung tutuusin, hindi naman talaga ito (flute) nanganganib.
Katulad ng inaasahan na sa ganitong mga eksena, bumalik ang babae. Sunod na ipinakita ang isang sundalo na may hawak na nakabalot sa damit (belo ata o shawl) ng babae (ito na iyung pugot na ulo). Ganoon lang. Sunod na eksena, ipinakita uli ang bulag. Naglalakad-lakad habang kinakapa ang daan sa hawak niyang stick. Tinatawag ang pangalan ng wala na. Malapit na siya sa dulo ng cliff noon. Ganoon lang. Tapos cut.
Naalala ko rin na sinasabi ko sa sarili noon: sana, hindi ka gumalaw. You would have been safe.. Ngayon, pagkatapos ng House of the Flying Daggers, naisip kong mali ang sinabi ko noon. Hindi siya ligtas, kahit kung hindi siya gumalaw. Walang galaw o pananatili ang makaliligtas sa kaniya noon.
May ganitong sentimyento rin kasi sa House of the Flying Daggers. Huling eksena, papatayin ng isang flying-dagger-man (hahah! di ko maalala pangalan niya) si wind (captain ba siya? o soldier? o well..) dahil siya na ang mas matimbang kay Mei (wow! naalala ko) pagkatapos ng tatlong araw. [Wala akong mood para i-elaborate/expound ito ngayon] If you kill him, i'll kill you with this dagger (na nakasaksak malapit sa puso niya). Ang ganda ng tension dito. Lahat ng galaw, crucial sa maaaring kahinatnan ng lahat. Lumapit si wind kay flying-dagger-man. You cannot save me. Dahil sa lapit, ang ibig niyang sabihin.
ii.
Bagay ito sa thesis ko. Kaya natuwa ako sa pelikula. Kanina, nilagay na nila sa lit. dept. ang listahan ng mga approved topic for thesis. Pinayagan nila ang gusto kong gawin. Kaya lang, ang nakapost: Collection of poems about space. Hindi ko alam kung paano tatanggapin iyon. Gayong unang-una kong sinabi sa topic proposal na "hindi ito tungkol sa espasyo." Sinabi ko rin na gagamitin lang ang espasyo at ipakikita kung paano ito nagiging aktibo sa mga nangyayari/nagaganap sa tao. Nakakainis! Sa nakapost, nagmukha tuloy na uulitin ko lang o di kaya, itutuloy ang ginawa ni sid. Pero wala akong planong sundan siya. Gusto ko sana, gawin ang hindi niya ginawa: to explore space. Hindi ako architect. Hindi kami pareho ng pakikitungo/pagtingin sa espasyo. Paano magiging "about space" rin ang sa akin? Nakadismaya! Hindi ko tuloy alam kung hindi nakaiintindi masyado ng filipino si ms sangil.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home