something recent
i. dasal
kanina, sa hindi inaasahang pagkakataon, pumunta ako sa pseudo-prayer meeting/lecture (what was the mission of Jesus?) hindi ko sinasadyang pumunta. kung iisipin, hindi talaga ako karaniwang pupunta sa ganoon. kaya lang--may nang-ambush sa amin ni tabby habang nakaupo sa may stairs (stairs ngayon dahil maraming nakikiupo sa bench; at ang iingay nila!). siya si zhawi. inaya niya kaming pumunta kung wala kaming iba pang gagawin. at dahil nakaupo lang naman talaga kami (at planong umupo lang muna hanggang 1pm--1230 na noon), pumayag na kaming pumunta. at may pakonsuwelo pa siyang "sige, aircon pa doon."
sa registration pa lang, nagugulat na ko. masyado silang cheerful. medyo nakakatakot dahil parang hindi na normal. pero sige lang.. pagpasok, lalo pa akong nagulat dahil kami lang ata ang hindi nila kilala roon at halos lahat sila--hindi naman sila ganoon karami--lumapit sa amin para magpakilala. ilang beses nilang binulong ang pangalan namin (inulit sa sarili), wari tinatandaan.
unang beses ko lang iyung kanina. hindi naman talaga ako pumupunta sa mga ganoon. nadala na ako dati sa parish namin--iyung malapit sa claret--na halos pagpapa-cute lang ang inaatupag ng mga tao. kaya umalis rin ako doon. medyo natagalan lang ng alis dahil sa crucifix sa harap. nagagandahan ako't hindi nakapako si hesus sa krus. nakataas pa ang isa niyang kamay--as though triumphant (talo pa ang Spanish Dancer ni Rilke).
maliban doon, hindi ko na alam kung bakit natagalan ako sa pag-alis. sa lecture, hindi nalayo ang sinabi ng speaker sa plano kong gawing thesis. may isa pa roon, sobrang umayon sa isang planong gawin kay juan tamad at sa mga alimango. sinabi kasing "you are not here, you don't belong here." (may ibang mundo nakalaan para sa atin, ang ibig niyang sabihin) "go home." at doon ko naalala iyung mga alimango. parehong utos. pareho ring madaming kinikimkim.
habang nagsasalita ang speaker, naisip kong umalis ako, hindi dahil hindi ako naniniwala sa Kaniya. marami lang akong pagdududa sa kanila. isa pa, hindi ako ganito sumamba.
ii. kanta
sa bandang umpisa ng buwan, may nasulat ako tungkol sa isang tumutugtog ng biyolin at sa anino niya. na sa anino ko lang siya kayang tingnan. alam ko naman ang pinag-ugatan nito. noong pumunta ako sa KA ng ateneo, may malaking poster sa likod ng magbabasa. tuwing may babasa, sa likod niya, tatambad ang aninong halos doble sa laki ng babasa. hindi ko maiwasang tumingin paminsan-minsan sa anino. noon nga, naisip ko, hindi sila nanggagaya. hindi rin naman maiwasan na mayroon akong mga 'musical dreams.' naisulat ko na ito sa fruitbowl noong minsang nanaginip ako na tumutugtog ako ng biyolin at may boses sa likod na sinasabing lakasan ko, magalit ako, at nangiti lang ako.
nitong linggo, nanghiram ako ng mga cd kay sir carandang. sinusubukan kong pakinggan iyon pag-uwi sa bahay. ilang gabi na ring musika ni vivaldi ang pinakikinggan ko. hindi ko kayang makinig ng higit sa 30 minuto. napapagod ako.
maraming 'musical moments' nitong buwan. una, noong booklaunching ng What the Water Said. kumanta noon ang UP ambassadors. ang galing ng ginawa nila sa kanta. nakatayo kami noon, katatapos lang magdasal, at parang nanghihina ako at nahihirapang manatiling nakatayo. ang ganda! kahit totoong pinahihirapan ako ng tugtog. hindi ko rin sila magawang tingnan. nanatili akong nakayuko hanggang matapos ang kanta.
sa prayer meeting, may ganito ring eksena. patapos na, at pinapikit kami. may biglang kumanta. ang hirap manatiling nakapikit. kahit hindi ko rin naman kayang dumilat. ang hirap maharap sa magandang kanta/tugtog, parang nagkukulang ng pintig ang puso ko. totoo nga sigurong nakamamatay ang ganda.
iii. mooncake festival
nakaugalian ko nang tandaan ang ilang mga araw na mahalaga sa ibang tao. kamakailan lang, mooncake festival ng mga tsino. wala naman akong ginawa noon (hindi naman ako chinese). inalala ko lang na noon ang araw (ilang libong taon na ang lumipas), ng pagbubunyag ng maraming lihim. at ang panahon na maraming naligtas sa pagiging subtle, discreet.
ang nakakalungkot, mistula nang isang lihim sa marami ang halaga ng mooncake festival.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home